Thursday, September 25, 2008

JAO MAPA, WALANG MUKHANG MAIHARAP KAY JOWEE MOREL



By: Boy Villasanta

Ngayong natapos na ang pelikulang “ LATAK” ng Outline films ay makakadalawa nang pagtatanghal sa UP Film Institute Cine Adarna, sa ika-27 ng Setyembre, 2008, naglalakad-lakad na ang director nito na si Jowee Morel sa iba’t ibang bahagi ng kamaynilaan kaugnay sa pagkuha niya ng mga footage para sa isang TV show.
Nagpasyal si Jowee Morel sa Destiny Cable sa Pasong Tamo Extention upang sundan si Buddy Castillo, ang singer na sumikat noong 1970s, dahil may TV show roon ang mang-aawit, ang Health & Lifestyle on TV kung saan siya ang host. Namulatawan ni Morel doon so Jao Mapa, ang macho at guwapong aktor at nabigla siya nang makita ang director. “Direk, wala akong mukhang maihaharap sayo ngayon”, pahayag ni Jao.
Ito ay dahil sa hindi na kasama si Mapa sa “Latak” samantalang siya ang unang nasa isip ni Jowee bilang Andrew Locsin, ang batam batang commercial director na napunta kay Marc Jacob ang role. “ Pero dahil po sa schedule, Hindi natuloy,” sabi ni Jao. Bukod diyan ay hindi talaga kayang bayaran ng Outline Films nang malaki si Mapa dahil walang masyadong budget ang production. “saying, bagay na bagay pa naman sa’yo ang role. It was a good comeback,” sabi na lang ni Jowee Morel. Gayunman, umaasa si Jao na makakasama muli sa mga proyekto ni Morel.
Balak kunin ng Viva Entertainment si Jao para sa mga proyekto ng kumpanya. Ayon kay Mapa, si Andrea del Rosario ang nagrekomenda kay Veronigue del Rosario-Corpuz para maging kontratista ng produksyon na aktor. Nakipagmiting na kahapon si Mapa sa pangasiwaan ng Viva Films at umaasa siyang maraming magagawa para sa kanya ang korporasyon ni Vic del Rosario. Samantala, matatapos na sa ika-26 ng Setyembre ang painting exhibit ni Jao sa GT Tower sa Ayala Avenue sa Makati City. Pinamagatang “H2O,” ang exhibit ay nilalahukan din ni Maria Isabel Lopez at ng iba pang mahuhusay at batikang pintor sa Bansa.
Tatlo na ang anak ni Jao pero nasa kanya pa rin ang panghalina sa madla lalo na sa mga kababaihan at kabaklaan. Ngayon ay panay ang trabaho ng aktor para maipantustos sa kanyang mga supling. “Insperado po ako. Iba talaga ang may mga anak. Noon ako ang humihingi ng baon, ngayon, ako ang magbibigay at naghahanap ng baon para sa mga anak ko,” wika ni Jao na nagtapos ng Fine Arts sa UST. Showbiz ang talagang gustong gawin ni Mapa kaya naman nagtitiyaga siya at malayo pa ang kanyang mararating.

No comments:

Post a Comment