Monday, September 29, 2008

BULUNG-BULUNGAN SA SPECIAL SCREENING NG "LATAK" SA UP CINE ADARNA

By: Boy Villasanta

Patuloy na gumagawa ng alingasngas ang pelikulang “LATAK” ng Outline Films sa Direksyon ni Jowee Morel lalo na nang ipalabas ito kamakalawa sa UP Film Institute Cine Adarna, ang dating UP Film Center. Nang matapos ang palabas, iba’t ibang reaksyon ng mga tao sa pelikula. “Ang ganda-ganda,” pabulong na sabi ni Wacky, ang komikong sportscaster na dating kasama ng singer na si Buddy Catillo sa mga programang “Health & Lifestyle on TV’ Destiny Cable tuwing alas singko ng Huwebes at “health & Lifestyle on Radio” sa DWBL tuwing alas singko ng ng Sabado. “ Magaling si Jowee Morel,” Patunay naman ni Jojie Rillo, ang nasa likod ng mga palatuntunan. “May ibang dating si Jowee,” sabi naman ni Victor Wood.
Maraming tao ang nagandahan sa pelikula tungkol sa isang batambatang TV Commercial director na si Andrew Locsin na nalulong sa droga at may ka-live na lalaki. Inaatake ng duda si Andrew sa katapatan ng mga tao sa kanyang paligid. Itinampok sa pelikula sina Channel Latorre, Zach Urdaneta, Mercedes Cabral, Marc Jacob, Pia Millado, Tia Pusit, Ram Galura, Geraldine Tan, Nash Mojica, Julia Taylor at marami pang iba. Ikalawang pagtatanghal na ito sa UP Cine Adarna at kung una ay sa pakikipagtulungan ng Outline Films sa UP Cast, ngayon naman ay nakipag-ugnayan ito sa Up College of Social Work and Community Development Administrative Staff Consumers Cooperative na pinangungunahan ni Rosita Zamora.
Dumalo sina Julio Diaz, Carla Varga, Mario ‘O Hara, Chito P. Alcid, manunuri ng Pelikulang Pilipino Dr. Roland Tolentino, Archie de Calma, Noel Malonga, James Caparas, Zaldy Rolex, chanel Latorre, Mercedes Cabral, Marc Jacob, Jowee Morel, Lyn Madrigal, Art Tapalla, Dan Alvaro, Ricky Mansueto at ang director na si Benjie Garcia. Ayon kay Mario, wala siyang masabi sa pelikula. Sa umpukan, naghuntanan sila ng mga kaharap. “Gano’n na ba talaga ang pelikula ngayon?” napapahalakhak na pahayag ni O’ Hara, ang gumawa ng mga premyadong pelikulang “Sisa,” “Babae sa Breakwater,” “Tatlong taong walang Diyos,” “Mortal” at marami pang iba bilang direktor at ng “Insiang” bilang scriptwriter. Sinabi ni O’ Hara na marami nang teknikal na kaalaman ang mga kabataang Filmmaker ngayon na nakakabigla para sa kanya. “Ganyan na talaga. Parang nakakahilo ang dating ng mga pelikula tulad ng “Serbis” namin nina Dante Menzado pero ‘yon ang style,”sabat ni Julio.
Puring-puri ni Art ang pelikula at ayon sa kanya, ang malalim na instrukturang ginaymay ni Morel ang siyang nakakapagpaiba sa pelikula sa hanay ng mga obrang tulad nito. Hangang-hanga si Tapalla sa maganda ng kulay at ilaw ng pelikula. Para sa kanya ay nakakaangat si Jowee sa aspetong ito ng produksyon. (Hindi lang ‘yon, ang ganda ng them song. Tipong klasikong pop. Ed) Ang susunod na pagtatanghal ng mga pelikula ni Morel ay itinakda naman sa UP Videotheque sa isa itong retrospective. “Di ba, sa Pilipinas, ang retrospective, pag matagal na ang direktor. Sa UP, iba. Bibigyan namin ng retro ni Jowee at ipapalabas ang lahat ng kanyang pelikula,” pahayag ng isa sa mga kasapi ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon.

Thursday, September 25, 2008

JAO MAPA, WALANG MUKHANG MAIHARAP KAY JOWEE MOREL



By: Boy Villasanta

Ngayong natapos na ang pelikulang “ LATAK” ng Outline films ay makakadalawa nang pagtatanghal sa UP Film Institute Cine Adarna, sa ika-27 ng Setyembre, 2008, naglalakad-lakad na ang director nito na si Jowee Morel sa iba’t ibang bahagi ng kamaynilaan kaugnay sa pagkuha niya ng mga footage para sa isang TV show.
Nagpasyal si Jowee Morel sa Destiny Cable sa Pasong Tamo Extention upang sundan si Buddy Castillo, ang singer na sumikat noong 1970s, dahil may TV show roon ang mang-aawit, ang Health & Lifestyle on TV kung saan siya ang host. Namulatawan ni Morel doon so Jao Mapa, ang macho at guwapong aktor at nabigla siya nang makita ang director. “Direk, wala akong mukhang maihaharap sayo ngayon”, pahayag ni Jao.
Ito ay dahil sa hindi na kasama si Mapa sa “Latak” samantalang siya ang unang nasa isip ni Jowee bilang Andrew Locsin, ang batam batang commercial director na napunta kay Marc Jacob ang role. “ Pero dahil po sa schedule, Hindi natuloy,” sabi ni Jao. Bukod diyan ay hindi talaga kayang bayaran ng Outline Films nang malaki si Mapa dahil walang masyadong budget ang production. “saying, bagay na bagay pa naman sa’yo ang role. It was a good comeback,” sabi na lang ni Jowee Morel. Gayunman, umaasa si Jao na makakasama muli sa mga proyekto ni Morel.
Balak kunin ng Viva Entertainment si Jao para sa mga proyekto ng kumpanya. Ayon kay Mapa, si Andrea del Rosario ang nagrekomenda kay Veronigue del Rosario-Corpuz para maging kontratista ng produksyon na aktor. Nakipagmiting na kahapon si Mapa sa pangasiwaan ng Viva Films at umaasa siyang maraming magagawa para sa kanya ang korporasyon ni Vic del Rosario. Samantala, matatapos na sa ika-26 ng Setyembre ang painting exhibit ni Jao sa GT Tower sa Ayala Avenue sa Makati City. Pinamagatang “H2O,” ang exhibit ay nilalahukan din ni Maria Isabel Lopez at ng iba pang mahuhusay at batikang pintor sa Bansa.
Tatlo na ang anak ni Jao pero nasa kanya pa rin ang panghalina sa madla lalo na sa mga kababaihan at kabaklaan. Ngayon ay panay ang trabaho ng aktor para maipantustos sa kanyang mga supling. “Insperado po ako. Iba talaga ang may mga anak. Noon ako ang humihingi ng baon, ngayon, ako ang magbibigay at naghahanap ng baon para sa mga anak ko,” wika ni Jao na nagtapos ng Fine Arts sa UST. Showbiz ang talagang gustong gawin ni Mapa kaya naman nagtitiyaga siya at malayo pa ang kanyang mararating.

Tuesday, September 23, 2008

DIREKTOR JOWEE MOREL,GAGAWIN NA ANG DOCU SA HIV SA ASIA

DIREKTOR JOWEE MOREL,TULOY ANG PAGGAWA NG HIV DOCU SA ASYA



By: Boy Villasanta

Hindi na mapigilan pa ang pag-alagwa sa paggawa ng mga makabuluhan at nakakaaliw ding produktong pampelikula ang kontrobersyal na director na si Jowee Morel na lumikha ng mga maalingasngas ding “Mga Paru-Parong Rosas” na na-x ng movie and television Review and Clasification Board; “Mona, Singapore Escort” ni Iza Calzado, “When a gay man loves” ni Romano Vasquez at ang pinakahuling “ LATAK” ng Outline Films nina Mercedes Cabral, Marc Jacob, Zach Urdaneta, Chanel Latorre at Pia Millado. Kagagaling lang sa Bangkok, Thailand ni Jowee at maganda ang kanyang pasalubong sa ating lahat-tuloy na ang kanyang paggawa ng mga documentary sa mga Asyano. Ayon kay Jowee Morel, binigyan na siya ng go signal ng isang Foundation sa asya na nagpapalaganap ng mga kaalaman tungkol sa HIV o ang bakteryang nagpapalago sa tungo sa AIDS. “Sa Indonesia na po, instead sa Malaysia ang una kung Shoot. Sa mga October po ay aalis ulit kami ng cinemaphotographer kong si Pao Pangan papuntang Indonesia para simulan na ang project,” pahayag ni Jowee Morel.
Pagkatapos nito ay lalarga naman ang team papuntang Myanmar o ang dating Burma at pagkuwan ay sa Nepal upang doon naman mag-shoot ng mga taong may HIV at kung paano ang nakakatakot o karima-rimarim na karamdaman na ito ay magkaroon ng positibong pananaw sa mga mayroon nito at sa pagtanaw ng mga tao sa lipunan na kanyang kinabibilangan. “Masaya po ako dahil ito ang talagang pangarap ko. Gusto ko talagang sa ibang bansa ay magkaroon ako ng impact. Pero hindi ko kalilimutan ang Pilipinas. “ may mga project pa rin po ako na gagawin dito kaya magsasama-sama pa rin tayo rito,”sabi ni Jowee Morel sa sariwang-sariwa pa sa pakikipagmiting niya sa mga kinatawan ng organisasyon ng mga nangangalaga sa pagpapalaganap ng kaalaman at impormasyon tungkol sa HIV.
Samantala, maaari rin umanong madagdagan pa ang mga bansa sa Asya na isasama sa proyektong ito. Ipapalabas sa buong mundo ang gagawin ni Jowee Morel kaya nga ngayon pa lang nananabik na ang mahusay na filmmaker. Pati Australia ay malamang na magawan din ni Jowee Morel ng docu at ang malalaki pang nasyon sa daigdig.
Tuloy naman ang pagpapalabas ng “LATAK” sa UP Film Institute Cine Adarna sa UP Diliman at sa pagkakataong ito, ang Department of Social Work and Community Development ang nangangasiwa ng pagpapalabas sa pamumuno peryodistang pampilikula na si Dennis Adobas at ni Jethro Agawen at ni Rosita Zamora. Para sa kapakanan ng pagpapagamot ng may malubhang karamdaman ng mga peryodistang pampelikula na sina Gil E. Villasana at Jun Pasion ang special screening. Pagkatapos ng “LATAK” ay magkakaroon ng Movie marathon si Morel sa Cine Adarna pa rin sa Nobyembre. Tatlo pang orihinal na pelikula ni Jowee ang ipapalabas: “MONA” na tungkol sa tomboy; “Ningas sa Dilim” at “Mga Anino sa salamin” bukod pa ang “Mga Paru-Parong Rosas,” “Easy to Love,” “When a Gay Man Loves,” At “LATAK.”
Sosyal, di ba?

Tuesday, July 8, 2008

DIREKTOR JOWEE MOREL,PROUD SA KANYANG OBRA!


By: Boy Villasanta

Kahit naseseksihan si Dong. Mula sa angkan ng mga military si Dantes. Tapos na ang post-production ng “LATAK” ng Outline Digital Films at handang-handa na si direktor Jowee Morel na ipamahagi ito sa lahat ng sulok ng Mundo. “I am proud of my creation. Kahit na may gay love ito, puwede rin ang pelikula sa heterosexual population. I hope I can get an R-13 Classification from the Movie and Television Review and Classification Board,” pahayag ni Jowee Morel. Nais din ni Morel na matanggap sa mga international film festival ang kanyang obra. Naiintriga nga ang peryodistang pampelikula na si Bong de Leon kung si Marc Jacob daw ba ay may relasyon kay Jowee? Naku, wala, huh! Artista lang si Marc Jacob sa Outline bagamat sa bahay ni Morel siya nakatira. “Boarder siya sa house ko pero we are just pure artists. No strings attached. Magagalit si Mercedes Cabral,” pahayag ni Jowee sabay tawa nang malakas.

Friday, July 4, 2008

BEAUTY SHOP NG KAPATID NI RICKY REYES, DINADASALAN NI DIDITH DUMAMI ANG KUSTOMER; JANICE, UMALIS



By: Boy Villasanta

Dalawang beteranang actress ang kinupkop ng kapatid ni Ricky Reyes na si Les Reyes sa kanyang Reyes Haircutters sa kanto ng Anonas Street at Aurora Boulevard sa Quezon City. Sila ay ang mahusay na mang-aawit at actress na si Didith Reyes at ang magaling na actress at komedyana na si Janice Jurado. Mula nang makipaghiwalay si Didith sa kanyang ikalawang kinasamang lalaki sa BiƱan,laguna dahil sa pambubugbog sa kanya at mula nang magpagaling si Janice sa kanyang cancer sa dibdib, inampon na sila ni Les.
Noong una, si Didith Reyes, nagtuturo siya ng personality development sa mga tauhan ng beauty saloon pero nagkaroon ng diprensiya ang kanyang balakang, nagtungkod siya at nahirapan na siyang magmanhik-manaog sa gusali ni Reyes, kaya itinagala na lang siya bilang tagatanggap ng mga kliyente at customer sa pagupitan. “Pinagdarasal ko na dumami ang mga customer namin, dumami talaga. Naku, umaapaw talaga, “wika ni Didith.
Suportado ako ng Boss ko,” pahayag ni Didith na ang ibig sabihin ay si Les. “wala naman akong masyadong ginagawa. Ganito lang. basa lang ako nang basa ng mga magasin sa isang tabi. Tapos, nag-i-entertain ng mga guest,” pahayag ni Didith. Alas dose ng tanghali hanggang alas siyete ng gabi ang kanyang pasok ay umuuwi siya sa kanyang inuupahang maliit na silid sa may tindahan sa Project 2. Simple lang ang buhay ni Didith Reyes. Dumalaw sa kanya ang anak na si Arvy Reyes, ang guwapo at kaisa-isa niyang anak na naging katiwala ni Imilda Papin noon sa recording studeo ng tinaguriang Asia’s Sentimental Songstress. Sa mga karinderya sa may labasan at pali-paligid ng St.Josept Parish Church ang kainan at marami nang kaibigan si Didith doon. Naitanong namin kay Didith kung totoo ang balita na sinabi ni Imelda Papin na hindi siya umalis sa showbiz ay walang Imelda Papin dahil pareho ang estilo ng kanilang pagkanta.
“Naku, hindi naman. Iba si Imelda Papin. Iba ako. May sariling puwesto sa showbiz si Emilda,” sabi ni Reyes.
Balak nang ibalik ni Didith ang kanyang pagkanta at hindi na ang mga tulad ng Nananabik, Bakit ako mahihiya? O Araw-araw, Gabi-gabi, ang kanyang babanatan kundi mga jazz music na. “ Hindi naman talaga ako sa tagalog songs nasanay. Jazz ang simula ko. Idol ko sina at iba pang jazz singer,” kuwento ni Didith na kaya pala napapagkamalan na may tama o parang loka-loka ay dahil gano’n din siyang magsalita sa tunay na buhay- buhay na buhay, masayahin at sinasabi kung ano ang kanyang nasasa-isip na para siyang laging mataas ang diwa. Nag-usap na sila ni direktor Jowee Morel na isa ring singer at tutulungan siya ng lumikha ng pelikulang “Latak” ng Outline Films. Samantala, nagtatrabaho na dati ang tauhan ni Les si Janice Jurado sa sangay ng Haircutters sa may Camp karingal pero umalis na rito ang dating seksing actress.
“ Naku, hindi po namin alam kung ano ang dahilan ng pag-alis niya,” pahayag ni Alex na isa sa mga head staff ng beauty shop.

Sunday, June 22, 2008

DIREKTOR JOWEE MOREL, HINAHAMON ANG MTRCB



By: Boy Villasanta

Hindi lubos-maisip ni director Jowee Morel na na-X ang pelikulang “Serbis” ni Brillante Mendoza. “Kahit hindi ko pa napapanood ang pelikula, may premise na siya at sa isang bansang Malaya, nakakapagtaka na masi-sensor ang pelikulang yon,” pahayag ni Jowee Morel.
Una’y hindi puwedeng ipalabas ang “Serbis” sa pilipinas bagama't napanood na ito buong mundo sa ika – 16 sa Cannes France. Pero bakit hindi puwedeng ipamalas sa mamamayang Filipino?
Dahil ang mga batas sa sensura ay kultural. Mababa pa ang antas ng kamalayan ng mga pinoy sa usapin ng sex lalo na’t ang pananaw ay maiskandalo at konserbatibo. Bagama’t nakausad na ang makabagong pamumuhay, ang panlasa ng estado na nangangalaga sa kaayusan ng lipunan para umano sa interest ng mga bumubuo nito- o para sa naghaharing-uri na kumukontrol ng direksyon ng isip at puso ng bawat indibidwal. Pinaputulan ng Movie and Television Review and Classification Board ang pelikula na may mga katutul-tutol na eksena tulad ng pumping scene ni Coco Martin kay Mercedes Cabral, ang pagtsupa ni Julia Taylor kay Kristofer King at ang pagblow job ng isang tinaguriang serbis na lalaki sa isang matandang bakla. Kaya ngayon ay R- 18 na ang pelikula at mapapanood na sa ika – 25 ng Hunyo.
Gayunman, nanggagalaiti pa rin si Jowee Morel. “Sana naman ay pabigyan ng MTRCB ang mga artists. Hindi naman ibig sabihin na may mga sex scenes ay kailangan nang putulan o hindi na maipapalabas ang isang pelikula. “Kung may strong vision ang pelikula at may artistic merit, sana naman ay maging understanding ang censors. In that sense, uunlad ang pelikulang Pilipino.
“Gumagasto ang production para maka – achieve ng isang pelikula na may sense at logic kahit na sa paningin ng censors ay makakasira ito sa mga tao. Contextual dapat ang paningin sa mga eksena at hindi ‘yong hiwa-hiwalay na ibig sabihin,” paliwanag ni Jowee.
Naghahamon ang tono ni Morel. Lalabas na ang kanyang pelikulang “LATAK” at naghihintay na siya ng pasya ng MTRCB tungkol dito.
“Of course, gusto kong mapanood ng kapwa ko Filipino ang aking pelikula. Gusto kong i- share ang mga insights ko tungkol sa buhay. Ang “LATAK” ay tungkol sa drug withdrawal ng isang drug addicted young advertising director who is gay. ‘Yan, dito malalaman kung ano nga kaya ang stand ng censors sa ganitong presentation. But I made it a point na maging very open sa lahat ng audience,” sabi ni Jowee na naging kontrobersyal nang katayin ng MTRCB ang kanyang unang pelikula, “ Mga Paru-parong Rosas.” Bagamat na X ito ay nabili naman ng Videoflicks at naipalabas sa 2007 London International film festival sa UK.
Tampok sa pelikula sina Marc Jacob, Mercedes cabral, Zach Urdaneta, Chanel Latorre, Geraldine Tan, Pia Millado, Tia Pusit, Dan Alvaro, JJ Jimenez, sheena at marami pang iba.

Friday, June 20, 2008

"SERBIS,"MAY PROBLEMA SA MTRCB, SA JUNE 25 PA MAPAPANOOD

JOWEE MOREL, EPITOME NG INDIE FILMMAKER!


By: Art Tapalla

Last shooting day ng pelikulang “LATAK” na sinulat at dinirehe ng isang masigasig na indie filmmaker na si Jowee Morel. Inimbitahan tayo ni katotong Boy Villasanta na dumalaw sa set nito. Kaya nu’ng lingo hunyo 8, bago mag-alas dose ay binabagtas ko na ang daan patungong Number 27, Valentine Street, Merville Park, ParaƱaque City. Nagulat ako sa aking dinatnan. Ang dating garahe ay ginawang tila bodega. Aba, merong catering with matching fountain ng pineapple juice! Habang sa isang tabi’y nakatuon sa paglalagare ang isang karpintero. Pagpasok ko, merong mini-make-up-an na isang dilag. Agad kong tinanong kung nasaan si direk Jowee Morel. “Nag-ti-take lang sandali. Maupo po kayo,” sabi nu’ng isang girl habang inilipat niya ang mga damit ng nakasalansan sa isang upuan.
Hinagilap ko ang isang upuan na tipikal gawang Baguio, disenyo ng palad ng tao at doon ako naupo. Mula sa aking kina-uupuan, nag-suot ng kanyang damit na tila costume ‘yung babaeng minik-up-an, meron siyang ipinaki-usap na ilipat ang pagkakatali sa isang lalake na nakasando’t short na tila artistahin ang hitsura. Maya-maya’y, iniluwa ng black backing ang merong apat na katao sa isa na roon si Direk Jowee Morel, at agad niyang binati ang dalawang kakilala. Matapos kong magpakilala, in-offer ako ni direk ng lunch o kung ano man ang gusto kong inumin. At bago ako nag-lunch, ipinakita sa akin ni direk Jowee ang kanyang trailer.
At habang sumusubo ako tsinika ko si direk Jowee Morel. Sa rami ng palitan namin ng salita, napakalinaw sa aking sagimsim ng mga katagang “For the Love of it. I just love doing film,” walang kurap niyang sambit habang kumikislap ang kanyang dalawang mata. Sa tanong kung bakit siya gumagawa ng pelikula?
Noon ko pa naririnig na talagang kulang sa budget ang pelikulang “LATAK”. Ayon nga kay katotong Boy Villasanta, ang mga artista nila sa“LATAK” ay hindi lang mga artista sa harap ng camera. Nagiging staff sila, nagiging crew, nagiging art department staff, nagiging set man at kung anu-ano pang gawain na pwede nilang gawin para lang sa ikapapanuto ng pelikula. Siyam hanggang walong sequence pa ang bubunuin ni Jowee nu’ng mga oras na yon. Matapos kong mapanood ang trailer, feeling ko nakapanood ako ng Hollywood trailer. Ang ganda texture niya. At ang photography ay bago at kapansin-pansin ang ka seksihan ni “Andrew Locsin”, na halaw sa kanyang buhay ang “LATAK” na ginampanan ni Marc Jacob.
Imagine, ang buong bahay ni Jowee ay ginawa niyang buong set ng kanyang pelikula!?
“Meron pa akong last sequence na kukunan ko sa harapan ng Metropilitan Theater, sa Lawton, para ipakita ko ang other side of Manila. Tama na sa mga squatter scene,” sabi ni direk Jowee.
Wow, sa totoo lang masasabing si Jowee Morel ang epitome ng isang inpendent filmmaker.

Tuesday, June 10, 2008

"LATAK" NI JOWEE MOREL, BAKA MA R-18 NG MTRCB

By: Boy Villasanta

Hunyo 8, last shooting day ng indie film, “LATAK”. Ang kontrobersyal na director na si Jowee Morel na taga Bohol, ang director. Ang pelikula ay “Residue” sa English. Istorya ito ng isang gay drug dependent na nang magpasyang iwan ang bisyo ay saka naman siya dinadalaw ng mga pangitain na gusto niyang kalimutan. Ang ganitong klase ng pelikula ay mahirap gawin dahil naglalaro sa utak ng main character ang mga eksena sa buhay niya. Ayon kay Morel, posibleng ilahok nila ito sa isang gay lesbian film festival. Pero hindi ito primarily a gay movie porke may bakla at tomboy na karakter sa pelikula. Kung paano malalabanan ng major character ang demons sa katawan niya ang esensiya ng istorya. Kung paano ilalahad ng magaling na director ang katotohanan ng buhay ay isang hamon sa kanyang kakayahan. Halimbawa, paano tatanggapin ng madla ang isang eksena kung saan ang isang batang lalake ay pinagsamantalahan ng isang pari?
“But this happens in real life at puwedeng sabihin ko kung sino ang pinagsamantalahan at kung sino yung pari. Kaya lang, matanda ng ngayon si father…,” sabi ni Jowee Morel.
Maganda at kapanapanabik ang bawat eksena ng pelikulang ito na tinatayang maging grade ng MTRCB ay “R-18” o Restricted – 18 years and above only” ang makakapanuod. “ kung hindi R – 18, definitely X ang rating nito,” sabi pa ni direk. Ang mga artista niya ay puro mga baguhan at hindi gaanong kilala ng karamihan, ay isang grupo ng mga pursigidong actor at actress. Para silang mga neophytes na propesyonal na sa kanilang sining. Sila ay sina Marc Jacob, Mercedes Cabral, Zach Urdaneta, Channel Latorre at Pia Millado. Sa kanilang lima, si Mercedes ang may malakilaki ng karanasan. Tampok din siya sa “Serbis” ni Dante Mendoza at kararating lang niya mula sa Cannes Film Festival kung saan naranasan niyang maglakad sa Red Carpet at nang piliin sa Internet ang pinakamaganda sa twenty Celebrities na naglakad doon, siya ang napili. “Hindi ko talaga ma-imagine na ako ang nanalo sa piliang iyon ng audience voters. Names like Penelope Cruz, Jane Fonda, faye Dunaway, nandun. Parang hindi ako makapaniwala,” sabi ni Mercedes. Naka-schedule ang pagpapalabas ng “LATAK” sa July 28, sa CCP. Kaya ngayon pa lang, I underscore na petsang iyan.